CENTRAL MINDANAO-Pinaghahanap ngayon ng mga otoridad ang ina na nagtapon ng kanyang kapapanganak na sanggol sa probinsya ng Cotabato.
Nasa pangangalaga ngayon ng DSWD ang sanggol na lalake, maayos ang kondisyon at malusog ang katawan.
Matatandaan na natagpuan ang sanggol at hindi pa naputol ang umbilical cord (pusod) sa gilid ng irrigation canal sa Brgy Poblacion 7 Midsayap North Cotabato.
Agad itong dinala sa pagamutan at nasa ligtas ng kalagayan.
Ayon sa ilang mga netizens, tila anghel ang itsura ng bata at tiyak umanong pagsisisihan ng ina kung bakit niya ito itinakwil at itinapon na parang basura lamang.
Marami na rin ang naghayag na sila na lamang ang mag-adopt nito kung saan nasa pangangalaga ito ng DSWD.
Samantala, nagpahayag naman ang ilang mga residente sa Brgy. Pob 7 sa bayan ng Midsayap kung saan ito nakita na tukoy na nila ang ina ng sanggol.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakilanlan ng ina.