Naghain ng panukala sa Senado si Senator Leila De Lima na naglalayong magtayo ng mga pasilidad sa loob ng mga detention centers at kulungan para sa mga babaeng preso na buntis at para sa kanilang mga anak.
Sa Senate Bill No. 1926 o “Mothers Deprived of Liberty and their Children Act of 2020”, binigyang-diin ni De Lima na ang dignidad at karapatan ay hindi lamang para sa mga indibidwal na namumuhay sa labas ng kulungan, ngunit pati na rin sa mga nanay at mga anak na nasa loob ng detention facilities.
Wala aniyang kasalanan ang mga bata na ipinanganak sa loob ng kulungan habang hinihintay ng kanilang mga ina na matapos ang kanilang sentensya.
Hindi raw dapat sila madamay sa kung anomang klaseng kalupitan ang mayroon sa mundo na kanilang ginagalawan.
Ginawang halimbawa ni De Lima ang nangyari kay baby River Nasino, anak ng political prisoner na si Reina Mae Magsino. Ayon sa senador patunay lamang ito na kailangang magpatupad ng reporma sa batas na nakakaapekto sa karaptan ng mga buntis at nursing women deprived of liberty.
Kung maaalala, hindi pinayagan ng mababang korte si Reina Mae na alagaan ang kaniyang anak sa loob ng selda sa loob ng isang taon, o kaya naman ay magkaroon ng hospital stay arrangement habang nagbe-breastfeed sa kaniyang anak matapos ipanganak.
Isang buwan lamang nang ipanganak si baby River ay kaagad inihiwalay ang mag-ina sa isa’t isa. Kalaunan ay namatay ang sanggol sa loob lamang ng tatlong buwan dahil sa acute respiratory distress syndrome.
Sa ilalim din ng nasabing panukala, papayagan ang mga babaeng PDLs na alagaan ang kanilang mga anak sa loob ng 12 buwan o isang taon matapos ipanganak ang bata.