ROXAS CITY – Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)-Region 6 director sa mga operators at drivers ng Public Utility Jeepney (PUJs) at Utility Vans (UV) express na sasama sa malawakang tigil-pasada ngayong araw, Setyembre 30.
Sa interview ng Bombo Radyo kay LTFRB Region 6 director Richard Osmeña, sinabi nito nasa batas na otomatikong kakanselahin ang prangkisa ng mga operators ng mga PUVs na sasama sa welga ng transport groups.
Ayon sa opisyal, maliwanag ang nakapaloob sa Memorandum Circular 2011-044, na ang prangkisa ay isang pribilehiyo na binibigay ng gobyerno at posibleng ma-revoke kung lalabag sa panuntunan.
Nanindigan ang opisyal na mahigpit na ipatutupad ang kanselasyon ng prangkisa bilang pagsunod sa batas.
Samantala, nakipag-ugnayan na ang LTFRB Region 6 sa mga local government unit at bus company para mag-assist sa mai-stranded na mga pasahero dahil sa transport strike.