-- Advertisements --

Pumirma ng memorandum of agreement ang Department of Justice at Commission on Human Rights para mas mapadali ang pagbibigay ng Php10-K na compensation sa mga taong nakaranas ng illegal detention. 

Kabilang sa mga maaaring mag-apply sa compensation ay ang film director na si Jade Castro at mga kasama nito na ikinulong dahil umano sa pagkakasangkot ng mga ito sa pagsunog sa isang modern jeepney ngunit kalaunan ay pinalaya rin ng korte. 

Ayon kasi sa Catanauan Regional Trial Court Branch 96, hindi “validly arrest” ang ginawa ng mga pulis kina Castro. 

Dahil dito, sinabi ni Board of Claims Chief of Operations Jovyanne Escano-Santamaria na maaaring mag-file ng aplikasyon sina Castro para makakuha ng compensation at ito naman daw ay i-eevaluate ng Board of Claims. 

Ayon naman kay DOJ Undersecretary Deo Marco, mayroon ng panukala sa Kongreso na layong taasan hanggang Php50-K ang compensation. 

Para naman sa abogado nina Castro na si Atty. Mike Marpuri, potential claimants daw ang kaniyang mga kliyente dahil sila ay biktima ng human rights abuses dahil sa walang basehan na pag-aresto sa kanila na hindi dumaan sa due process.

Gayunpaman, kaniya munang susuriin ang nilalaman ng memorandum of agreement bago sila mag-desisyon kung mag-aapply ang kanilang kampo para makakuha ng kompensasyon. 

Bukod sa mga biktima ng illegal detention, maaari ding makakuha ng kompensasyon mula sa gobyerno ang mga biktima ng extrajudicial killings o EJK, human trafficking, online sexual abuse, at iba pang human rights abuses.