NAGA CITY – Patuloy ngayon ang panawagan ng kampo ni Vice President Leni Robredo sa Presidential Electoral Tribunal (PET) na ibasura ang poll protest ni dating Senator Bongbong Marcos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay dating Naga City Councilor Jun Lavadia, isa sa malapit na kaibigan ng pamilya Robredo, binigyang diin nito na malinaw na ang kinalabasan ng unang recount na isinagawa ng PET na si Robredo ang nanalo sa halalan noong 2016.

Ayon kay Lavadia, mas mainam na malinawan na ang sambayanang Pilipino sa isyung ito at dapat na rin tanggapin na lamang ni Marcos ang kanyang pagkatalo sa nagdaang vice presidential race.

Mas maigi rin aniya kung sinunod din ng PET ang Rule No. 65 na nagsasabi na dapat ibasura ang kaso kung mapatunayan na walang pandaraya at walang nabago sa resulta ng bilangan sa mga lugar na pinili ng complainant.

Nabatid na hindi na naiwasang mangamba ng ilang mga taga suporta ni Robredo dahil sa patuloy na pag-delay ng usapin patungkol sa electoral protest.