Umaasa ang kampo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na masusunod pa rin ang inaasahang change of leadership sa mababang kapulungan ng Kongreso sa darating na Oktubre 14.
Pahayag ito ni AAMBIS-OWWA Party-list Rep. Sharon Garin sa panayam ng Bombo Radyo, isang araw matapos na aprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang P4.5-trillion proposed 2021 national budget na nagresulta sa maagang suspensyon ng kanilang plenary session na tatagal ng hanggang Nobyembre 16.
“Umaasa ako, and I do believe na tutuparin ang Oct 14. usapan na iyan nag-pirmahan na diyan dati, they all agreed, they all conceded at few months ago they both agreed that they will honor the agreement. they both said that they will respect the term-sharing agreement na walang kondisyon at all,” ani Garin.
Sinabi ng kongresista na iba’t ibang pamamaraan ang maaring gawin upang sa gayon ay matuloy sa Oktubre 14 ang inaasahang change of leadership sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Kabilang aniya rito ay ang posibilidad na magpatawag ng special session ang Pangulo o hingiin ito mismo ng mayorya sa mga kongresista o ‘di kaya ay maari ring bawiin ni Cayetano ang kanyang mosyon na suspended hanggang Nobyembre 16 ang kanilang plenary session.
Sa kabilang banda, binigyan diin ni Garin na apektado ang buong bansa dahil sa giriian sa speakership post dahil tinapos na kaagad ang interpellation at debate sa 2021 proposed budget nang hindi pa tapos himayin ang iba’t ibang ahensya at kagawaran ng pamahalaan.
Malaki aniya ang epekto nito sa paghahandang ginagawa ng pamahalaan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Kabilang aniya sa mga hindi naisalang sa interpellation at debate ay ang 2021 budget ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Department of Tourism, at Department of Education.
Binigyan diin ng kongresista na resposibilidad nilang mga mambabatas na ayusin ang budget at tiyakin na transparent at responsive ito lalo na sa epekto ng COVID-19 pandemic.
“Ang purpose ng debate kasi para makapagtanong ang mga congressman kung saang programa gagamitin ang pera ng tao. Ang congressman is actually a representative of his constituency in his district or his sector. Basically kung if you don’t allow congressmen to debate on this, or to ask questions, aren’t you depriving also Filipinos on the debate,” giit ni Garin.
“Parang hindi na transparent ang proseso kasi na-cut na nga; sayang naman. this is the first time from the 10 or 11 na budgets that I have witnessed or participated in. Ito medyo first time ito na na-cut na kahit hindi pa tapos ang usapan. Edi sana dati pa eh bakit pa tayo nagdebate kung puwede naman pala gawin ito,” dagdag pa nito.










