-- Advertisements --

Naghain na ng demurrer to evidence ang kampo ni Sen. Leila de Lima, para sa mga kaso nitong conspiracy to commit drug trading, na nakabinbin sa Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC).

Ayon sa legal team ni De Lima, inihain nila ito upang ibasura na ng korte ang mga reklamo laban sa mambabatas na wala namang maipakitang ebidensya.

Matatandaang nakulong si De Lima noon pang Pebrero 2017, ngunit hanggang ngayon ay wala pang nailalabas na desisyon sa kaso.

Giit pa ng kampo ng senadora, kahit ang mga nagsalitang testigo sa nakaraang Congressional inquiry ay wala ring hawak na ebidensyang magpapatunay sa kasalanan ng mambabatas.

Matatandaang iniharap ng mga kongresista ang ilang convicted criminals para idiin si De Lima, subalit hindi naman nagkapagsumite ng kinakailangang detalye sa korte upang maidiin ang opposition senator.

Kung mapagbibigyan ang demurrer to evidence, maaaring pansamantalang makalaya ang nakapiit na senador.