-- Advertisements --

Nanindigan ang kampo ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy na hindi na konektado pa sa pamunuan at mga operasyon ng Sonshine Media Network International (SMNI) simula pa noong 2018.

Sa sulat na naka-adress kay House Committee on Legislative Franchises Chairperson Gus Tambunting, sinabi ng abogado ni Quiboloy na honorary chairman lamang ng naturang network ang kaniyang kliyente.

Paliwanag din ng kampo ni Quiboloy na ipinaalam na sa Securities and Exchange Commission ang paghalili ni Mr. Marlon Acobo kay Quiboloy bilang Executive Pastor ng sekta.

Matatandaan na noong Lunes ng inisyu ng Kamara ang subpoena laban kay Quiboloy na nagaatas sa kaniya na humarap sa congressional inquiry kaugnay sa panawagan na i-revoke ang prangkisa ng Swara Sug Media Corporation na pinapatakbo at inooperate ng SMNI.

Inatasan naman ng kampo ni Quiboloy ang Kamara na tawagan si Acobo at 2 iba pa na mayroon aniya ng lahat ng mga impormasyon at dokumento na hinihiling ng komite para sa kanilang imbestigasyon.

Ang naturang sulat ay nilagdaan ng mga abogado ni Quiboloy na sina Ferdinand Topacio, Joselito Lomangaya, at Raphael Antonio Andrada.