Wala umanong karapatang mangialam si Agot Isidro kaugnay sa kung ano mang uri ng lifestyle o pamumuhay mayroon ang pamilya Pacquiao partikular si Jinkee.
Ito ay ayon sa talent manager na si Arnold Vegafria, business manager rin ni Pacman at kilalang malapit sa pamilya Pacquiao, matapos mag-trending o maging usap-usapan ang naging komento ng 53-year-old singer/actress.
Pinuna kasi ni Agot o Maria Margarita (Amada Fteha Isidro) sa tunay na buhay, ang ipinost na larawan ng misis ng Pinoy ring icon na dalawang mamahalin na bisikleta na regalo daw ng kanilang kumpare.
Aniya, maraming nawalan ng trabaho sa gitna ng coronavirus pandemic kaya sana ay huwag nang ipalandakan ang magarbong pamumuhay alang-alang sa mga hirap humanap ng pera.
Pero giit ni Vegafria, walang bakas ng korupsyon sa mga Pacquiao at katunayan patuloy na tumutulong sa mga nangangailangan pero hindi lamang ibinabalandra sa publiko.
Sa panig ng 41-year-old socialite na si Jinkee, patuloy pa rin naman ito sa kanyang pagiging aktibo sa online world pero panay good vibes posts lamang.
Habang para kay Isidro, hindi niya isyu kung saan ginagastos ng mga Pacquaio ang kanilang pera ngunit sana ay maging sensitive sa pakiramdam ng iba.
Sinasabing si Jinkee ay kilalang mahilig sa Hermes brands at madalas nitong ibinabahagi sa Instagram account niya ang mga mamahalin niyang gamit.