-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nagulantang ang mga sibilyan sa pagsalakay ng mga terorista sa posisyon ng militar sa lalawigan ng Maguindanao.

Ayon sa ulat ng 601st Brigade na pinaputukan umano ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) gamit ang M79 grenade launchers ang detachment ng Alpha Company ng 40th Infantry Battalion Philippine Army sa Sitio Guko, Barangay Labu-Labu 2, Datu Hoffer, Ampatuan, Maguindanao.

Agad gumanti ng putok ang mga sundalo laban sa mga rebelde na tumagal ng limang minutong palitan ng bala sa magkabilang panig.

Umatras ang mga terorista paakyat sa bulubundukin sa bayan ng Datu Hoffer, Ampatuan.

Walang napaulat na nasugatan sa mga sundalo habang hindi matiyak sa panig ng BIFF.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng mga sundalo laban sa BIFF sa bayan ng Datu Hoffer, Ampatuan, Maguindanao.