Aapela ang nasa mahigit 80 magsasaka mula Tinang, Tarlac na inaresto noong nakalipas na linggo para ibasura ang malicious mischief at illegal assembly charges na isinampa laban sa kanila.
Ayon sa isa sa mga abogado ng mga magsasaka na si Atty. Jobert Pahilga, hindi sila nabigyan ng kopya ng complaint-affidavit . Malinaw aniya na ang karapatan ng kanilang kliyente para sa due process ay nalabag.
Nagulat aniya sila sa ikinaso sa mga magsasaka na illegal assembly o iligal na pagtitipon kahit na hindi naman si;a armado o naaplaplanong gumawa ng isang krimen.
Giit ni Pahilga na wala sinuman sa mga magsasaka na inaresto na nagsagawa ng pagbubungkal ng lupa na nasa ilalim ng agrarian reform program ng gobyerno ag armado.
Aniya, walang masama sa pagtitipo-tipon ng mga magsasaka at ng kanilang tagasuporta at hindi rin ito maituturing na krimen.
Sa araw ng Biyernes ayon kay Pahilga magsasagawa ng pagdinig at maghahain sila ng motion to dismiss dahil alam nilang walang batayan ang naturang complaint at paglabag ito sa karapatan ng tinaguriang “Tinang 83”.
Ang pahayag na ito ni Pahilga ay kasunod ng pagpapalaya sa 47 mula sa 83 magsasaka na inaresto matapos na makapagpiyansa ang mga ito ng nasa kabuuang mahigit P3 million.
Nauna rito, ayon sa pulisya, gumamit ang mga magsasaka ng rotovator at dinimolish ang sugarcane plantation na pagmamay-ari ng Agriculture Cooperative .
Sinubukan ng kapulisan na maareglo ang mga magsasaka at advocates subalit nagmatigas umano ang mga ito at sinubukang pigilan ang mga law enforcers.