Bilang paggunita ng World Day Againts Trafficking in Persons ngayong araw, muling siniguro ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang kampanya laban sa human traficking.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, kahit mayroong kinahaharap ang bansang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic ay tuloy-tuloy ang kanilang pagbabantay sa mga ports para maiwasang makalabas ang mga suspected victims ng trafficking sa bansa.
Sinabi ni Morente na kahit nag-lie low ngayon ang mga human traffickers dahil sa pandemic dahil sa mga international travel restrictions ay hahanap at hahanap daw ng paraan ang mga ito para samantalahin ang sitwasyon.
Naniniwala ang BI chief na nasa paligid lamang ang mga human traffickers at naghihintay lamang ng tiyansa para ipagpatuloy ang kanilang aktibidad na target ang mga mahihirap na mga Pinoy na karaniwan ay mga kababaihan at mayroon ding mga minors.
Dahil dito, inatasan na raw niya ang lahat ng mga port personnel na maging mapagmatyag at lalong higpitan ang screening ng mga papaalis na mga pasahero lalo na ngayong plano na ng pamahalaan na magpatupad ng less restrictions sa mga outbound travel ng mga Pinoy.
Ikinatuwa naman ng BI Chief ang inisyung statement ng US government na sa ika-limang taon ay napanatili ng Pilipinas ang kanilang Tier 1 ranking sa 2019 Trafficking in Persons report ng State Department.
Ang Tier 1 rating ay nangangahulugan na naabot ng bansa ang minimum standards para masawata at labanan ang human trafficking.










