-- Advertisements --

Mas maigting na kampanya kontra disinformation at misinformation ang target ngayon ng bagong talagang tagapagsalita ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na si Col. Francel Margareth Padilla.

Ito ang kaniyang inihayag sa unang pagkakataon ng kaniyang pagharap sa media kasunod ng pormal na pagpapakilala sa kaniya ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. bilang kapalit ni Col. Medel Aguilar na dating nanungkulang spokesperson ng AFP.

Ayon kay Col. Padilla, importante ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa panahon ngayon kung kailan naglipana ang talamak na pagkalat ng fake news kasabay ng patuloy na pagyabong ng modernong teknolohiya.

Ang layuning ito ay kaalinsabay ng naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mas patatagin pa ang cybersecurity ng bansa sa gitna ng puspusang digitalization na ginagawa ng ating pamahalaan.

Si Col. Padilla ay una nang kinilala at ginawaran bilang Cybersecurity Woman of the Year 2023 sa buong mundo bago pa man maitalaga bilang bagong tagapagsalita ng AFP.