-- Advertisements --

rice

Tiniyak ni Speaker Martin Romualdez na mananagot sa batas ang mga ganid na rice traders na nagpapahirap at gumutom umano sa mga Pilipino.

Ito’y kasunod sa pahayag ng lider ng Kamara na lalo pa na paiigtingin ng mga otoridad ang kampanya laban sa mga rice hoarders at smugglers.

Nagbabala din si Speaker sa mga ito na hindi sila titigilan ng gobyerno hanggat hindi sila napaparusahan.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang babala kasabay ng pagsabi sa mga kinatawan ng Philippine Rice Industry Stakeholders’ Movement (PRISM) sa isang pagpupulong sa Manila Golf and Country Club na paiigtingin ang kampanya kontra sa hoarder at price manipulator sa buong bansa upang mahuli ang mga mapagsamantalang negosyante.

Suportado din ng Kamara ang nilagdaang Executive Order No. 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagpapataw ng price ceiling sa bigas.

Sinabi ni Speaker Romualdez na seryoso ang Kamara sa pagsuporta kay Pangulong Marcos na mapababa ng presyo ng bigas at maabot ng bansa ang rice self sufficiency.

“We won’t stop until the President is successful in achieving his targets. We’re very serious about it. And we’re not gonna stop here in Luzon, we’ll go to Visayas and Mindanao. We’re gonna hit every region. “If we find out that people are importing and hoarding and profiteering, we’re going to raid. And Customs will just seize it and give it to DSWD, to Kadiwa, to the DA for sale at a much lower price point,” pahayag ni Speaker Romualdez.

Kinilala ng Speaker ang hakbang ng PRISM na magbenta ng bigas sa halagang P38 kada kilo ngunit nababahala ito na ang mga ni-raid na warehouse ng bigas sa Bulacan na kanilang miyembro ay posible umanong sangkot sa hoarding at smuggling.

Kung totoo aniya na nais ng grupo na tumulong sa gobyerno ay dapat nilang ituro ang kanilang mga kasamahan na pinagsususpetyahan na sangkot sa pananamantala.

Ipinunto ni Speaker, hindi maaaring gawing dahilan ng mga trader ang taas presyo sa world market para mahalan ang benta sa bigas sa bansa dahil maliit na bahagi lamang umano ng suplay ng bigas ng bansa ang galing sa Vietnam.

Sinabi ni Speaker na kanilang kinikilala na dapat kumita ang mga negosyante, subalit hindi makatwiran ang pagiging gahaman sa kita ng ilan sa mga ito.

Kung magpapatuloy umano ito ay mapipilitan ang gobyerno na maghigpit ng regulasyon at muling mag-angkat ng bigas.

Pinasalamatan naman ni Speaker Romualdez ang PRISM sa pagbibigay impormasyon sa sitwasyon ng bigas sa bansa.

“I’m glad that you are here, engaging with us,” sabi ni Romualdez sa miyembro ng PRISM.

Una nang binigyang diin ni Speaker Romualdez na mandato ng Kapulungan na tiyakin na may sapatbna suplay at abot kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin ng mga Pilipino.

“The welfare of our constituents remains our top priority, and we pledge to exercise our mandate to safeguard their interests to the fullest,” saad ni Romualdez.