-- Advertisements --

Sisiguraduhin umano ng Kamara na matulungan ang mga micro, small and medium enterprises (MSME) na lumago upang makalikha ng mapapasukang trabaho at oportunidad na pagkakakitaan ng publiko.

Ito ang binigyang-diin ni Speaker Martin Romualdez sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng National Food Fair (Philippine Cuisine and Ingredients Show) na pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI).

Hinimok ni Speaker Romualdez ang mga dumalo na ipagdiwang ang napakahalagang kontribusyon ng mga MSME at tignan ang hinaharap kung saan sila ang nangunguna sa pagpapaunlad ng bansa.

Sinabi ni Romualdez kinikilala ng Kamara ang malaking kontribusyon ng mga maliliit na negosyo sa ekonomiya ng bansa.

Ayon sa House leader inaprubahan na ng Kamara ang ilang panukala at mayroon pang mga aaprubahan upang matulungan ang mga maliliit na negosyo gaya ng Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) Act at House Bill No. 1171 o ang One Town, One Product Act (OTOP).

Sabi ni Speaker ito ay nakahanay sa polisiya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. Idinagdag nito na ang Pangulo ay naglaan ng P1.2 bilyon sa ilalim ng 2023 national budget upang suportahan ang mga programa para sa MSME.

Habang ang GUIDE Act, ay nag-oobliga sa mga government financial institution gaya ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines (DBP) na maglaan ng pondong ipapautang sa mga maliliit na negosyo.

Upang magawa ito, itataas ng panukala ang kapital ng DBP sa P100 bilyon mula sa P35 bilyon. Ang Land Bank ay maglalaan ng P7.5 bilyon at P2.5 bilyon naman ang DBM para sa pautang sa MSME.

Habang ang OTOP law naman ay naglalayong tulungan ang mga MSME na mapaganda ang kalidad ng kanilang mga produkto upang ito ay maging world competitive.

Nagpasalamat si Speaker Romualdez sa mga organizer ng National Food Fair sa pag-imbita sa kanya at hinimok ang mga ito na pagyabungin pa ang entrepreneurial spirit ng mga Pilipino.