Sisimulan na bukas, March 11,2024 ng House of Representatives ang pagtalakay sa Resolution of Both of Houses (RBH) No.7 na nagsusulong para amyendahan ang restrictive economic provisions ng 1987 Constitution.
Ayon kay Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., na isa sa principal authors ng RBH No. 7, tatalakayin bukas sa plenary ang report ng Committee of the Whole House, na nag endorso para aprubahan ang resolution “without amendment.”
Kumpiyansa naman si Gonzales na magiging maiksi ang deliberasyon sa plenary kumpara sa proceeding ng Committee of the Whole House ng magsagawa ang mga ito ng pagdinig sa loob ng anim na araw.
Ayon kay Gonzales batay sa direktiba ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, naka pokus ang ang Kamara sa itinakda nitong timeline na aprubahan ang panukalang amendments sa third and final reading bago ang Holy Week break at saka ipapadala na nila sa Senado ang RBH No.7.
Kumpiyansa si Speaker Romualdez na makukuha ng Senado ang 18 boto para patibayin ang panukalang economic Charter change proposals.
Binigyang-diin ni Gonzales na ang panukalang amendments ay magbibigay sa Kongreso ng flexibility para palitan ang foreign capital and foreign ownership restrictions sa Constitution partikular sa public utilities, education and advertising.
Malaking tulong ang pag amyenda sa economic provision ng Saligang Batas kay Pang. Ferdinand Marcos Jr para kumbinsihiin ang mga banyagang investors na mag invest sa bansa.