Papairalin ng House committee on ways and means ang one hearing rule ng Kamara sa mga tax measures na naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa noong 17th Congress.
Ayon sa chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Salceda na susundin nila ang Rule 48 ng kapulungan na nagsasabing maaring isang hearing na lamang ang kanilang gagawin kung aprubado na ang panukala sa third reading sa nakalipas na Kongreso.
Nabatid na ang natitirang packages sa ilalim ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) ng Duterte administration ay ang proposed Corporate Income Tax and Incentive Reform Act (CITIRA), ang lifting ng bank secrecy law sa mga fraud cases, Motor Vehicles User’s Charge sa ilalim ng Package 1B, pagtaas ng buwis sa mga nakakalasiing na inumin at electronic cigarettes, at marami pang iba.
Sa ilalim ng 17th Congress, naaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang lahat ng natitirang packages sa ilalim ng CTRP.
Sa pamamagitan ng mga repormang ito, sinabi ni Salceda na makakakuha ng A credit ang Pilipinas pagsapit ng 2022 mula sa S&P Global Ratings.










