-- Advertisements --

Pinagtibay ng Kamara de Representantes sa botong 177 na pabor at walang tutol, sa ikatlo at huling pagbasa noong Miyerkules ang House Bill No. 11400, o ang panukalang “Act Expanding the Coverage of the Privileges and Benefits Given to Senior Citizens.”

Ang HB No. 11400 ay nagsisilbing substitute bill para sa 24 na panukalang batas na layuning dagdagan o palawakin ang mga benepisyo para sa mga nakatatanda. Nilalayon nitong amyendahan ang Republic Act No. 7432, na kilala bilang “An Act to Maximize the Contributions of Senior Citizens to Nation Building, Grant Benefits, and Special Privileges and for Other Purposes.”

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, bilang mga legislators kanilang sisiguraduhin na magiging komportable ang buhay ng ating mga senior citizen.

Isa sa mga pangunahing nilalaman ng panukala ay ang pag-amyenda sa Section 3 ng “Expanded Senior Citizens Act of 2010” kung saan nililinaw ang sakop ng 20% diskuwento sa pagbili ng gamot, food supplements, bayad sa health professionals, toll fees, transport network services, at iba pa—online man o offline.

Nakasaad din sa panukala ang 15% diskuwento sa buwanang konsumo ng kuryente at tubig, kung ang konsumo ay hindi lalampas sa 200 kWh ng kuryente at 50 cubic meters ng tubig. 

Paalala ni Speaker na ang billing statement ay dapat naka pangalan sa senior citizen.

Magkakaloob din ng 8.5% special discount para sa pagbili ng pangunahing pangangailangan at pangunahing bilihin.

Bukod dito, maglalaan ng ₱25,000 na tulong pinansyal sa pinakamalapit na kamag-anak ng yumaong senior citizen, na maaaring baguhin batay sa inflation.

Ayon pa sa panukala, hindi kasali sa Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP o color-coding scheme) ang mga senior citizen basta’t sila ang nagmamaneho o sakay ng sasakyan, at may maipapakitang ID na nagpapatunay ng kanilang edad.

Libreng parking din ang ibibigay sa mga senior citizen na nagmamaneho o sakay ng pribadong sasakyan, sa lahat ng commercial at government establishments na naniningil ng bayad sa paradahan, basta’t may valid senior citizen ID.

Kung may promotional discount ang isang produkto o serbisyo, maaaring pumili ang senior citizen kung alin ang mas mataas—ang promo o ang diskuwentong nakasaad sa batas.

Papayagan ang mga establisimyento na i-claim ang diskuwento bilang tax deduction base sa halaga ng produktong ibinenta o serbisyong ibinigay, alinsunod sa probisyon ng National Internal Revenue Code (NIRC), basta’t may sapat na dokumentasyon.

Inatasan din ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng National Commission of Senior Citizens, National Commission of Senior Citizens, Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Department of Finance, Department of Trade and Industry, Department of Agriculture, Department of Transportation, Energy Regulatory Commission, Metropolitan Waterworks and Sewerage System, at National Economic and Development Authority na bumuo ng mga patakaran para sa maayos na pagpapatupad ng panukalang batas.