Tiniyak ni Speaker Lord Allan Velasco sa publiko na patuloy na nakikipag-ugnayan ang Kamara sa Ehekutibo para sa pagkakapasa ng Bayanihan 3.
Sinabi ito ni Velasco bago mag-adjourn sine die ang Kamara para sa second regular session ng 18th Congress.
Iginiit ni Velasco na ang emergency lifeline measures na nakapaloob sa ilalim ng Bayanihan 3 ay “urgent” at “imperative” dahil hindi naman maitatanggi na hanggang sa ngayon ay marami pa rin ang nangangailangan ng tulong.
Sa kanyang talumpati, inilatag din ni Velasco ang mga accomplishments ng Kamara, tulad nang pag-apruba sa Resolution of Both Houses No. 2 o ang panukalang economic Charter change.
Sinabi ni Velasco na ang naturang panukala ay magbibigay daan sa Kongreso sa hinaharap na makapag-apruba ng mga batas na mag-aalis sa restriction sa foreign investors sa kasalukuyan.
Nakikita aniya nila itong malaking tulong upang sa gayon ay yumabong ang investments sa bansa, na kalaunan ay magreresulta sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya.
Nanawagan din ang liderato ng Kamara sa kanyang mga kasamahan na suportahan ang vaccination program ng national government.
Pagdating naman sa bilang ng mga panukalang batas na inaprubahan ng Kamara, sinabi ni Velasco na hanggang noong Hunyo 1, aabot sa 91 ang naging ganap na batas, 655 panukala ang naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa, at 192 resolutions ang pinagtibay.