Hindi na ikinagulat pa ni House Transportation Committee chairman Edgar Mary Sarmiento ang maraming reklamo laban sa implementasyon ng Department of Transportation sa Motor Vehicle Inspection System (MVIS) project nito.
Ipinatupad kasi aniya ang naturang program kahit hindi pa tumutugon ang DOTr sa request ng kanyang komite na magkaroon ng wastong inspection bago pa man ang roll out nito.
Ayon kay Sarmiento, sumulat pa siya kay DoTr Sec. Arthur Tugade noong Setyembre 16, 2020 para hilingin dito na ipagpaliban muna ang implementasyon ng MVIS hanggang sa hindi pa nakakapagsagaw ang House committee on transportation ng inspection sa nakumpleto nang Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC).
Una rito, inaprubahan din aniya ng kanyang komite noon pang Disyembre 11, 2019 ang mosyon ni Marikina Representatives at dating MMDA chairman Bayani Fernando na humihiling sa DOTr at LTO na ipagpaliban muna ang implementasyon ng MVIS.
Ito ay dahil naman sa pagkuwestiyon ng mga kongresista at ilang transport leaders sa kawalan nang konsultasyon sa mga stakeholders noong binabalangkas ang guidelines para sa MVIS.
Sinabi ni Sarmiento na bukod sa kuwestiyonable ang halaga nang inspection sa mga PMVICs, marami ring reklamo na palpak ang sistema at evaluation protocols nito.
Hindi rin aniya niya maintindihan kung bait ang mga sasakyan na wala pa namang limang taong gulang ay subjected sa MVIS pero ang mga PUVs ay hindi naman kailangan sumailalim dito.
Sa susunod na linggo, nakatakdang magsimula ang imbestigasyon ng komite ni Sarmiento sa naturang usapin.










