Muling nangako ang House of Representatives na susuportahan nito ang pagnanais ng Marcos administration na magkaroon ng agenda para sa kaunlaran sa pamamagitan ng pagpasa ng kaukulang batas.
Sa kanyang talumpati sa 2022 Asia CEO Forum, sinabi ni Romualdez na ang urgent focus ng Kamara ay ang pagtulong sa gobyerno para mapalakas ang domestic demand at mapataas ang competitiveness ng local production para mapanatili ang mapabilis ang economic recovery.
Determinado naman daw ang kamara na pag-aralan ang pagpapaganda sa ating mga batas, regulasyon at mga polisiya ng gobyerno para makaakit pa ng foreign investments at makalikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pinoy.
Sinabi nitong buo pa rin ang suporta ng lower chamber sa prosperity blueprint ng Pangulong Ferdinanad “Bongbong” Marcos na mayroong misyon na economic transformation para sa inclusivity at sustainability.
Para kay Romuldez na pinsang buo ng Pangulong Marcos, sa kauna-unahang pagkakataon daw ay nagkaroon ang bansa ng malinaw na six-year agenda na mayroon ding malinaw na defined goals.
Ipinunto nitong ang socio-economic development masterplan ng Pangulong Marcos ay nagsimula nang maka-achieve ng significant results kabilang na rito ang paglago ng ekonomiya sa 7.6 percent sa ikatlong bahagi ng taon na mas mabilis sa 7.5-percent expansion sa second quarter.
Naniniwala si Romualdez na ang paglago ng ekonomiya ay dahil na rin sa Agenda for Prosperity at ang sound economic plan ng Pangulong Marcos at ang economic managers.
Kabilang naman sa mga vital measures para sa naturang agenda ang pag-apruba ng Kamara sa House Bill No. 4339 o ang huling component ng Comprehensive Tax Reform Package na layong maging simple na lamang ang taxation ng passive income, financial services at transactions sa pamamagitan ng pagpapababa sa bilang ng tax rates mula 83 sa 58.
Maliban dito, magiging prayoridad din umano ng Congress ang pagpasa sa E-Governance Bill para mapababa o kung hindi naman ay masawata ang red tape bilang tugon sa panawagan ng Pangulong Marcos na mapabilis ang transition sa digital economy.
Ipupursige rin umano ng chamber ang priority legislative measures ng kasalukuyang administrasyon bago ang year-end.