-- Advertisements --

Sinimulan na ng Kamara ang pagbuo ng contingency plans para sa mga Pilipinong migrant workers na maaring maapektuhan ng lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan.

Ito ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano kahit wala pang pormal na utos mula sa Malacañang hinggil sa plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-convene ang kongreso sa isang special session.

“As of this day, wala. But as of this day [din], kami din sa Kongreso ay nag-draw up din ng possible suggestions or contingency plans kung may mangyayari nga sa Middle East,” dagdag pa nito.

Kabilang sa contingency plans na binubuo ngayon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ayon kay Cayetano ay ang ilipat ang mga Pilipino sa ilang lugar sa Middle East na hindi gaanong magulo.

“Hindi naman yung buong Saudi is under threat, unless it’s a nuclear war. And if it’s a nuclear war, God forbid, no one wants that, wala kang tataguan,” saad ng lider ng Kamara.

“But if it’s not a nuclear war, meron areas in the Middle East na mas mura na doon i-safety ang mga Pinoy rather than the logistical nightmare na iuwi lahat,” dagdag pa nito.

Bukod dito, tinitingnan din aniya nila na kuhanin ang contingency plans ng mga bansa sa Middle East kung saan maraming mga Pilipino at isumite ito sa Office of the President.

Maari rin aniyang magpadala ng unarmed military personnel sa mga embahada ng Pilipinas sa mga Middlea Eastern countries upang matiyak ang proteksyon sa mga Pilipinong manggagawa doon.