-- Advertisements --

Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na magdodoble kayod pa ang House of Representatives sa susunod na taon lalo at nagsimula ng umarangkada at gumaganda ang ekonomiya ng bansa.

Welcome din para kay Speaker Romualdez ang naging pahayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na lalago pa ang ekonomiya ng bansa sa susunod na taon.

Ayon kay Romualdez, magsisilbi itong inspirasyon upang lalo pang magpursige ang House of Representatives na magpasa ng mga panukala na tutulong para mapanatili ang magandang takbo ng ating ekonomiya at mapagbuti ang pamumuhay ng mga Pilipino.

Batay sa isang statement sinabi ni Diokno, na sa kabila ng global recession projection ng ilang eksperto sa 2023, ang 6.5 average gross domestic product (GDP) outlook para sa Pilipinas ay nananatiling isa sa pinakamataas na growth rates sa ASEAN.

Ayon sa kalihim, malaking tulong din ang mga pinagtibay na panukala ng Kongreso gaya ng Medium-Term Fiscal Framework (MTFF) ngayong 19th Congress, at ang amyenda sa Retail Trade Liberalization Act, Foreign Investments Act, at Public Services Act.

Siniguro naman ni Romualdez, na agad aaksiyunan ng Kamara ang nalalabing 12 LEDAC priority measures pagbalik ng sesyon ng Kongreso sa January 2023.

Samantala, positibo ang pananaw ng Department of Finance (DOF) na magkakaroon ng mas masiglang ekonomiya ang bansa.

Ito ay dahil sa pagpasok ng mga nakuhang foreign investment ng administrayon sa pagpasok ng 2023.

Ayon kay Diokno, sa pagpasok ng 2023 asahan ang pag ganda at paglago ng ekonomiya, kung saan maaaring umabot sa 7 percent ang growth rate ng ekonomiya ng bansa.

Naniniwala din si Diokno na malaking tulong ang pagtatag ng sovereign wealth fund para mapondohan ang mahahalagang proyekto.