Kumpiyansa ang pamunuan ng House of Representatives na kakayaning mapanatili o malampasan ang mataas na economic growth ng bansa at posibleng malampasan pa ang 7.6-percent full-year expansion noong nakalipas na taon.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, dahil sa mga tamang polisiya na patuloy na ipinatutupad ni Pang. Ferdinand Marcos Jr, sa ilalim ng Agenda for Prosperity roadmap, at mas pinaigting na kooperasyon ng executive at legislative branches, tiyak na makakamit ng bansa ang mas matatag na ekonomiya.
Ang reaksiyon na ito ni Speaker Romualdez ay kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority na sumipa sa 7.2% ang gross domestic product (GDP) ng bansa sa fourth quarter ng taon grew, na nagresulta sa full-year 7.6-percent growth noong nakalipas na taon.
Dahil dito nalampasan ng gobyerno ang target nito na 6.5 percent to 7.5 percent na GDP growth.
Binigyang-diin ni Romualdez nasa tamang direksyon ang prosperity roadmap ng Marcos administration.
Sinabi ng Speaker na dahil sa maayos na liderato ng Presidente, lumampas sa pitong porsyento ang GDP ng Pilipinas sa kanyang unang anim na buwan sa pwesto.
Sumigla ang ekonomiya dulot ng desisyon ni Pang. Marcos na buksan ang mas malaking bahagi ng industriya, sa kabila ng kinakaharap na pandemya.
Nanawagan naman ang liderato ng Kamara na ipagpatuloy ang pagsuporta sa mga Agenda for Prosperity ng gobyerno sa pamamagitan ng mga kinakailangang lehislasyon, kabilang na ang Maharlika Investment Fund bill at mga panukalang magpapabilis sa digital transformation ng bansa.
Dagdag ng House Speaker na ang pagsasabatas ng mga proposed measures na ito ang magpapabilis at magpapaganda sa ating economic performance.
” The enactment of these proposed pieces of legislation will further enhance our economic performance,” pahayag ni Romualdez.