Iginagalang ng Kamara de Representantes ang naging pasya ng Korte Suprema na hindi maglabas ng temporary restraining order (TRO) kaugnay ng nagpapatuloy na impeachment proceedings.
Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, kinikilala ng Kamara ang mataas na awtoridad ng Korte Suprema at ang mga proseso nito, at handa itong sumunod sa anumang usaping naaayon sa hurisdiksyon ng hukuman.
Binigyang-diin din ni Speaker Dy na sa kawalan ng anumang legal na hadlang, ipagpapatuloy ng Kamara ang pagtupad sa mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon. Dagdag pa ni Dy, ang House Committee on Justice ay magpapatuloy sa pagtalakay ng usapin alinsunod sa Konstitusyon at mga umiiral na alituntunin, sa pamamagitan ng isang patas, maayos, at nakabatay sa ebidensiyang proseso kung saan mabibigyan ng pagkakataon ang lahat ng panig na marinig.
Ayon pa kay Dy, ito ay nagpapakita ng tamang balanse sa pagitan ng mga institusyon ng pamahalaan, kung saan ginagampanan ng bawat sangay ang kani-kanilang tungkulin ayon sa itinakda ng Konstitusyon.
Aniya, ang mga pagdinig ay bahagi ng prosesong konstitusyonal ng pananagutan, na ginagabayan ng mga katotohanan, ebidensiya, at ng umiiral na batas.










