Bilang tugon sa direktiba ng administrasyon na tutukan ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Gitnang Silangan, nakatakdang dumating sa bansa ngayong gabi, Abril 10, ang higit isang daang Pilipino na pinauwi mula sa Qatar.
Lulan ng isang flight inaasahang lalapag mamaya ang nasa 116 na mga Pilipino. Batay sa talaan ng gobyerno, ang nasabing grupo ay binubuo ng 94 na overseas Filipino workers (OFWs) at 22 na mga dependents.
Ayon kay Qatar Labor Attaché Eduard Ferrer, ang hakbang na ito ay bahagi ng tuloy-tuloy na programa ng pamahalaan upang matiyak ang maayos, ligtas, at organisadong pagpapauwi sa mga kababayan natin mula sa nasabing rehiyon.
Ito ay alinsunod na rin sa mahigpit na utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tutukan ang kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat.
Upang hindi mahirapan sa kanilang pagbabalik, isinailalim ang mga umuwing Pilipino sa isang pre-departure briefing.
Layunin nito na mabigyan sila ng sapat na kaalaman hinggil sa proseso ng kanilang paglapag, mga kinakailangang dokumento, at ang mga nakahandang serbisyo ng gobyerno para sa kanila.
Bukod sa gabay na impormasyon, nagpaabot din ng financial assistance o tulong pinansyal ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga umuwing OFW upang magamit nilang panimula sa kanilang muling pagbabalik sa Pilipinas.
















