Papanindigan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kanilang bersyon ng bagong “sin” tax bill sa mga nakakalasing na inumin at electronic cigarettes.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda, sinabi nitong aabot ng hanggang P26 billion ang posibleng kitain ng pamahalaan mula sa sa bersyon nilang ito.

Sinabi ni Salceda na sa bersyon ng Senado ay aabot lamang ng P16 billion ang posibleng kitain ng gobyerno sa kanilang panukala matapos na isiningit ang probisyon na nag-aalis ng value-added tax sa mga prescription drugs.

Ayon sa kongresista, ang perang malilikom mula rito ay gagamitin sa Universal Healthcare Law, kung saan ayon sa Department of Finance ay mangangailangan ng P257 billion sa unang taon ng implementasyon nito sa 2020.

“So walang masyadong diperensya sa House and Senate pagdating sa individual rates. Nagkakaroon lamang po ng problema dahil may siningit po ang Senado para sa prescription drug na ang halos na makikinabang – although health din iyan – pero ang karamihan sa mga nakaka-afford ng prescription drugs ay mayayaman,” ani Salceda.

Nabatid na target ng mga senador na maipasa ngayong linggo ang panukalang taasan ang sin tax rates para sa mga alcoholic drinks at tobacco products.

Gayunman, sa ngayon sinabi ni Salceda na pinag-aaralan na nila ang pagtanggal sa prescription exemption at i-convert ang VAT sa isang specific tax sa isasagawang bicameral conference hearing bukas.