Inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 4706 na nagdedeklara sa Disyembre bilang National Volunteer Month at Disyembre 5 bilang National Volunteer Day.
Layunin ng panukala na isulong at palakasin ang kultura ng volunteerism sa bansa. Sa botong 263 pabor at isang abstensyon, lumusot ang panukala sa pamumuno nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
Aamyendahan nito ang Republic Act No. 9418 o Volunteer Act of 2007, at inaatasan ang Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency na manguna sa mga aktibidad tuwing paggunita.
Hinihikayat din ang lahat ng ahensya ng gobyerno, LGUs, at pribadong sektor na makibahagi sa selebrasyon.
Ayon sa may-akda ng panukala na si Pangasinan Rep. Marlyn Primicias-Agabas, layunin nitong higit pang kilalanin ang ambag ng mga boluntaryo at i-ayon ang bansa sa pandaigdigang paggunita ng International Volunteer Day tuwing Disyembre 5.










