KALIBO, Aklan -Nagmistulang ghost town ang bayan ng Kalibo sa lalawigan ng Aklan nang paiklian ang operasyon ng mga commercial establishments mula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng umaga.
Ibinaba ni Aklan governor Florencio Miraflores ang kautusan batay sa inilabas na Executive Order No. 020 upang malimitahan ang galaw ng mga tao at istriktong maipatupad ang modified enhanced community quarantine (MECQ).
Nakiisa naman ang mga mamamayan at mga negosyante na maagang nagsara upang masugpo ang pagkalat ng nakakamamatay na COVID-19.
Samantala, pinapayagan lamang na makabiyahe ang mga pampublikong transportasyon simula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi maliban sa mga sasakyan na ginagamit sa emergency at mga RoRo bus.
Exempted naman sa kautusan ang mga public at private hospital, parmasya at drug store, media establishments, at mga may kaugnayan sa pagbibigay ng serbisyo medical, punerarya at embalming services gayundin ang mga security at investigation services.