Tutugunan na sa susunod linggo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang kakulangan ng suplay ng Beep Cards.
Sinabi ni LRTA administrator Hernando Cabrera, na mayroong idedeliver ang concessionaire AF payments na 45,000 Beep Cards para sa Light Rail Transit Line 2.
Dahil dito ay matutugunan na ang problema ng kakulangan ng suplay ng Beep Cards.
Dagdag pa nito na sa Line 1 pa lamang ay mayroon lamang 34,500 sa 70,000 ang naideliver habang mayroon ng 59,000 sa 70,000 na Beep Cards ang naideliver na sa Line 3.
Magugunitang inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) noong Hulyo na magkakaroon ng kakulangan ng suplay ng Beep Cards dahil sa walang sapat na suplay ang chip sa buong mundo.
Isa rin na natukoy ni Cabrera na kaya nagkaubusan ng Beep Card ay dahil sinamantala ng mga scalpers ang kakulangan nito kung saan ibinenta nila sa online ng mataas na presyo ang mga luma at malapit ng mag-expire na mga Beep Cards.
May ilan naman na bumili ng Beep Cards ng mahigit isa habang ang iba ay ginawa nilang kuleksyon ito.
Dahil dito ay plano nila ng itaas ang presyo ng Beep Card mula sa dating P30 para mabigyang halaga ng mga mananakay ng train ang nasabing Beep Cards.