-- Advertisements --

Nababahala umano si Senator Risa Hontiveros sa kapasidad ng Department of Health (DOH) na mamahagi ng COVID-19 vaccines sa mga geographically isolated at disadvantaged areas.

Base raw kasi sa Sabayang Patak Laban sa Polio na isinagawa ng DOH ay napag-alaman na nahirapan itong abutin ang mga malalayong lugar. Bukod daw kasi sa magkakalayo ang mga bahay at mahirap din ang daanan.

Kaya ang malaking tanong ngayon ni Hontiveros, ay kung ito pa lamang ay hindi na kayang matugunan ng ahensya ay paano masisiguro ng publiko na makakarating ang COVID-19 vaccine sa mga nangangailangan lalo na’t sentitibo ang bakuna sa temperature changes.

Binigyang-diin din ng mambabatas na ito ang pinakamalaking vaccination program na isasagawa ng bansa kaya kinakailangan ng malinaw na plano upang siguradong magiging matagumpay ito.

Nanawagan din si Hontiveros sa gobyerno na simulan na ang post-vaccination COVID-19 response plan matapos ang inilabas na editorial ng isang pahayagan noong Nobyembre na nagpapakita na nag mga indibidwal na nakakatanggap ng bakuna ay posible pa ring makahawa ng virus.

Dapat din umanong isaisip ng pamahalaan na hindi lahat ay pwedeng bakunahan, tulad ng mga bata. Ibig sabihin lamang nito ay manantili silang vulnerable mula sa deadly virus.

Hindi raw dapat magpakampante ang lahat dahil dito at kailangang tiyakin na mapapanatiling umiiral ang health protocols.