CAUAYAN CITY- Nag-viral at hinahangaan ngayon sa social media ang obra ng isang estudyante mula sa Tumauini Isabela dahil sa kakaibang talento nito sa pagkuha ng larawan at editing.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Alfred Acenas, 3rd year college student ng Isabela State University- Echague Main Campus at kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Education major in Filipino at residente ng Antagan 1st Tumauini Isabela , sinabi niya na nais niyang maipakita ang kanyang talento sa pagkuha ng litrato sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang uri ng cellphone at ilang mobile application na ginagamit sa pag-edit ng mga kinukuha niyang larawan.
Sinabi niya na hindi niya inaasahang mag-viral sa social media ang kanyang mga obra kung saan iba’t ibang uri ng props ang kaniyang ginagamit at mismong ang kanyang mga pamangkin ang nagsisilbi niyang modelo.
Ayon kay Acenas taong 2018 nang simulan niyang kumuha at mag- edit ng litrato at nag-viral mga kuhang litrato.
Nakakatanggap din siya ngayon ng iba’t ibang alok mula sa ilang indibiduwal hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa bansa at inaalok na kunin ang kanyang serbisyo tulad ng pag- promote ng mga produkto.
Dagdag pa ni Acenas ilan sa naging inspirasyon niya sa mobile photography ang ilang mga sikat na Pilipinong photographer gayunman ay nasa puso pa rin niya ang pagtuturo sa mga bata kaya kinuha niya ang kursong Education.
Plano rin niyang gamitin at maituro rin sa kanyang mga magiging estudyante ang mga kaalaman niya sa pagkuha ng mga larawan.