Sa gitna ng patuloy na pag-alboroto ng Bulkang Mayon, muling iginiit ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan para sa mga evacuation center sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa bansa.
Binigyang diin ni ng Senador na nakaaantala sa pagpapatuloy ng edukasyon ang patuloy na paggamit sa mga school buildings bilang evacuation centers sa panahon ng mga kalamidad.
Nananatili ang mga evacuee sa mahigit 20 na pansamantalang silungan at karamihan sa mga ito ay mga paaralan sa elementarya at high school.
Bagama’t 80% ng mga mag-aaral ang nagpapatuloy ng kanilang pag-aaral gamit ang mga module, patuloy naman ang iba sa face-to-face classes na isinasagawa ng mga guro sa mga gymnasium o daycare center, pati na rin sa mga corridor o sa ilalim ng mga puno.
Matagal nang isinusulong ni Gatchalian ang pagpapatayo ng mga evacuation center sa lahat ng mga lungsod at munisipalidad sa bansa.
Sa ilalim ng Evacuanter Center Act (Senate Bill No. 940) na inihain ng mambabatas, ipatatayo sa bawat lungsod at munisipalidad ang angkop na pasilidad sa mga kailangang lumikas dahil sa mga sakuna at kalamidad.
Nakasaad sa panukalang batas na makikipag-ugnayan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga alkalde upang tukuyin ang mga lugar na bibigyang prayoridad sa pagpapatayo ng mga evacuation center.
Para naman sa mga lugar na bibigyang prayoridad ngunit walang espasyong maaaring patayuan ng evacuation center, maaaring ayusin ng NDRRMC ang mga pasilidad sa paaralan o iba pang istrukturang ginagamit na bilang evacuation centers at gawin ang mga itong mas matibay.