KALIBO, Aklan – Sa kabila ng pagtaas ng rates ng hotels at resorts sa Boracay na umabot sa 15 hanggang 20 porsiyento ngayong taon, marami pa ring mga domestic at foreign tourists ang naghahangad na magbakasyon sa isla.
Ito ang inihayag ng ilang kinatawan ng mga hotels at resorts sa Boracay sa isinagawang Philippine Travel Mart noong nakaraang linggo na inorganisa ng Philippine Tour Operators Association (Philtoa).
Ilan sa mga inaasahang dayuhang bakasyunista ay mula sa South Korea at Taiwan.
Sinasabing dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, singil sa kuryente, sahod ng mga manggagawa, gayundin ang presyo ng mga pagkain na mula pa sa mainland Aklan.
Maliban dito, tumaas rin ang terminal fee na mula P100 ay P150 na ngayon at ang environmental fee para sa mga dayuhan na P300 ngayon mula sa P150.
Halos 80 porsiyento ng mga bisita ngayon sa Boracay ay domestic tourist na karamihan ay nagmula sa Metro Manila.
Sa kabilang daku, inaasahang sa ikalawa at ikatlong quarter ng 2023, papasok ang mga turista mula sa China.
Simula noong nakaraang linggo ay nagsimula nang pumasok ang booking transaction para sa South Korea at Taiwan na kapwa tinanggal na ang on-arrival PCR tests at quarantine sa pagbalik sa kanilang bansa.