Lumitaw ang kalituhan sa Strait of Hormuz matapos iulat ang pag-atake ng Iran sa tatlong barko malapit sa mahalagang daluyan ng langis at gas, na nagdulot ng pangamba sa pandaigdigang suplay.
Ayon sa ulat, sinabi ng Iran na tugon ito sa umano’y naval blockade ng Estados Unidos at mga insidente sa dagat. Dalawang barko ang nasamsam habang isa pa ang naiulat na na-stranded malapit sa baybayin ng Iran.
Naganap ito ilang araw matapos ang magkasalungat na pahayag ng US at Iran tungkol sa pagbubukas ng strait, na nagdulot ng kalituhan sa mga barkong dumadaan.
Ayon sa mga analyst, nagdudulot ng “genuine confusion” ang magkasalungat na utos at pahayag mula sa US at Iran, habang ginagamit umano ng Tehran ang kontrol sa strait bilang leverage sa negosasyon at paraan para mapataas ang insurance costs ng mga barko.
Sa kasalukuyan, daan-daang barko at libu-libong tripulante ang naiulat na naiipit pa rin sa rehiyon, habang nananatiling pabago-bago ang sitwasyon sa isa sa pinakamahalagang shipping routes sa mundo. (report by Bombo Jai)
















