KALIBO, Aklan – Nahaharap sa kasong concubinage ang isang barangay kagawad matapos na mahuli ng kanyang misis sa loob ng kanilang bahay kasama ang umano’y mistress o “kabit” sa Barangay Cabatangan, Madalag, Aklan.

Ayon sa 52-anyos na ginang, halos dalawang taon na niyang naririnig sa kanilang lugar na magkarelasyon ang 58-anyos nitong mister at ang 42-anyos na babae ngunit hindi niya ito mapatunayan.

Binalewala umano niya ang usap-usapan ng mga kapit-bahay alang-alang sa kanilang apat na anak hanggang siya mismo ang nakakita sa dalawa na agad naman niyang isinumbong sa Madalag-Philippine National Police.

Dakong alas-4:30 ng madaling araw ngan pasukin ng mga otoridad ang bahay ng kagawad at nahuli nila ang dalawa na magkasiping.

Nasa P30,000 ang itinakdang piyansa ng korte sa kagawad habang P3,000 naman sa kaniyang kalaguyo para sa pansamantalang kalayaan.