Inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes, Pebrero 27, ang Kadiwa ng Pangulo sa Cebu kung saan ito ang unang roll out ng Kadiwa stores nationwide kasunod ng matagumpay na Kadiwa ng Pasko sa Luzon.
Sinusuri ni Pangulong Marcos ang mga produkto at kalakal na ibinebenta sa mas mababang presyo tulad ng NFA rice sa halagang P25 kada kilo, pulang sibuyas sa halagang P200 kada kilo, at bawang sa halagang P90 kada kilo.
Aabot naman sa kabuuang 51 nagbebenta ang lumahok na kinabibilangan ng mga grupo ng magsasaka at kooperatiba, gayundin ang mga micro at small enterprises (MSEs).
Layon pa ng Kadiwa ng Pangulo na maabot ang mga lalawigan at lokalidad sa buong bansa upang matulungan ang mga lokal na magsasaka na kumita sa pamamagitan ng direktang farm-to-consumer food supply chain, nag-aalis ng ilang marketing layers at nagbibigay sa taumbayan ng abot-kayang de-kalidad na produkto at sa gayon ay malabanan ang epekto ng pandaigdigang inflation.
Nilalayon din nitong palakasin ang sektor ng agrikultura upang mapataas ang produksyon ng mga pananim na pang-agrikultura na magreresulta sa sapat na suplay at matamo ang food and nutiritional security para sa lahat ng mga Pilipino.
Sa talumpati ng punong ehekutibo, sinabi nitong umabot na sa mahigit 500 Kadiwa ang kanilang ginagawa sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas.
Maliban dito, inanunsyo din ng Pangulo na bubuo din sila ng “Kadiwa para sa Manggagawa” na layuning tututok sa mga manggagawa.