-- Advertisements --
saf441

Ginugunita ngayong araw ang National Day of Remembrance para sa mga bayaning SAF 44 (Special Action Force).

Ang tinaguriang SAF 44 ay nasawi sa madugong engkuwentro laban sa MILF (Moro Islamic Liberation Front) noong January 25, 2015 sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.

Kaugnay nito, pinangunahan ni PNP Chief P/Gen. Debold Sinas, Department of Public Works and Highways Sec. Mark Villar, at National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief B/Gen. Vicente Danao, ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ng “Gallant 44.”

“Hanggang ngayon pinatutupad at ginagawa pa rin ibig sabihin hindi po nawawala ang tapang at saka ‘yung dedication ng SAF natin ‘yung SAF44 kasi ‘yun ‘yung nagpapakita talaga sila ng tapang nila courage at gallantry in combat, so ito po ang nagpapatunay na ‘yung SAF po ninyo ay laging handang bumuwis ng buhay para sa kalayaan ng bayan natin,” ani Sinas.

Maliban kay Sinas, nag-alay din ng bulaklak sina SAF Dir. P/BGen. Bernabe Balba, at ang kapatid ng nasawing SAF Commando Cpl. Romeo Cempron na si Richard.

Nagpaabot naman ng kaniyang pasasalamat si Ginang Rocelle Nacino, biyuda ni P/Cpl. Nicky Nacino, sa ngalan ng mga naulilang pamilya ng SAF 44 sa patuloy na suporta na ibinibigay ng gobyerno para sa kanila.

Ayon naman kay PNP-SAF Director, M/Gen. Bernabe Balba, ang kabayanihan ng “Gallant SAF 44” ay mananatili at magsisilbing inspirasyon sa mga susunod na henerasyon.

Ang itinakdang National Day of Remembrance para sa SAF 44 ay batay sa inilabas na Presidential Proclamation ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017 para alalahanin ang “gallantry and bravery” ng SAF 44.

Kung maaalala, naging target ng operasyon na tinawag na Oplan Exodus ang international terrorists at bomb maker na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan at Basit Usman.

Napatay ng SAF troopers ang most wanted international terrorists na si Marwan pero ang kapalit nito ay ang 44 na buhay din ng tropa.