-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Matapos ang ilang araw na buhos ng ulan, unti-unti nang humupa ang lebel ng tubig sa mga pangunahing ilog at maging sa mabababang lugar na sakop ng Kabacan Cotabato.

Sinabi ni Kabacan Municipal Disaster Risk Reduction and Management (MDRRM) Officer David Don Saure, patuloy ang kanilang monitoring sa Kabacan at Pulangi rivers at nakikipag-ugnayan din sila sa mga Barangay DRRM.

Aniya, dahan-dahan nang humuhupa ang tubig na una nang nakaapekto sa 60 pamilya sa Sitio Binakwan, Barangay Magatos at higit isang daang pamilya sa Purok Namnama, Barangay, Lower Paatan. Bagamat may mga apektadong pamilya, mapalad namang walang inilakas sa mga nasabing pamilya bunsod na rin nang mabilis na paghupa ng lebel ng tubig.

Una nang inihayag ni Kabacan Mayor Evangeline Pascua-Guzman na bente kwatro oras na nakaantabay ang MDRRMC at maging mga Barangay DRRM Teams upang tugunan ang anumang emergency cases.