Nanindigan ang Juvenile Justice and Welfare Council na hindi sagot sa karahasan sa mga bata ang itinutulak na pagpapababa sa edad para mapatawan ng criminal liability.
Ayon kay Executive Director Tricia Oco, hindi solusyon sa karahasan ang itinutulak na pababain ang edad para sa criminal liability dahil ang dapat pagtuunan ng pansin ay ang ‘root causes’ o tunay na pinagmumulan ng mga karahasan.
Paglilinaw ni Atty. Oco, hindi ito nangangahulugang kakalimutan ang mga krimeng nagagawa ng mga minor at sa halip ay aaralin aniya ang mga dahilan o mga sitwasyon na nagtutulak sa kanila upang gumawa ng mararahas na aksyon.
Sa ganitong paraan aniya ay mapipigilan ang posibleng mangyaring karahasan o krimen, sa tulong ng law enforcement agencies, local social welfare offices, at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Samantala, binanggit din ni Atty. Oco ang aniya’y matagumpay na rehabilitasyon sa ilang mga bata na dating nasangkot sa iba’t-ibang krimen.
Binalikan ng abogado ang isang batch ng hanggang 400 mga bata na ipinasakamay sa mga Bahay Pag-asa, mga rehab facilities na pinapatakbo ng pamahalaan.
Aniya, hanggang 96% sa mga naturang bata ang natukoy na nagtagumpay matapos ang rehabilitation efforts, patunay na epektibo ang pagbibigay sa kasalukuyang juvenile program para sa mga bata.
Ang apat na porsyento aniya, ay kinailangan pang isailalim sa mas mahabang rehabilitasyon at monitoring.
Giit ni Atty. Oco, kailangang maging aktibo ang mga pamilya sa paggabay sa kanilang mga anak at pagturo sa kanila ukol sa moralidad at kabutihan.











