-- Advertisements --
jesus remulla
Department of Justice (DoJ) Sec. Jesus Crispin Remulla

Tinawag ni Department of Justice (DoJ) Sec. Jesus Crispin Remulla na desperado si suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag.

Kasunod na rin ito ng pagsasampa ni Bantag ng reklamo sa Ombudsman dahil umano sa pagkamatay ng broadcaster na si Percy Lapid.

Kinuwestiyon naman ng kalihim ng Justice department kung saan galing ang legal theory sa paghahain ni Bantag ng reklamo.

Aniya, ginagawa na raw ni Bantag ang lahat ng remedyo laban sa kanya pero hindi naman daw nito mababago ang takbo ng isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng pagkamatay ng broadcaster na si Lapid.

Kung maalala, ang suspendidong Bureau of Corrections chief ang itinuturong utak sa naturang pagpatay.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Remulla na tuloy lang ang kaso laban kay Bantag.

Una rito, kinumpirma ng legal counsel na si Atty. Rocky Balisong na naghain sila ng reklamo laban kay Remulla sa Ombudsman.

Sa 15-page complaint na mayroong petsang Enero 4, inakusahan ni Bantag si Remulla at BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. ng murder, grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service at conduct unbecoming of a public official.

Sinabi ng kampo ni Bantag na si Remulla ang mastermind sa pagpatay kay Lapid at Jun Villamor, ang inmate na sinasabing middleman sa krimen.

Base sa reklamo, apat na araw bago nabaril si Lapid ay pinuna nito si Remulla at sinabi nitong siya ang sisira sa imahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sinabi ni Bantag na ito raw ang motibo ni Remulla kaya ipinag-utos nito ang pagpatay kay Lapid.

Sinabi rin nitong ang pagkunsinti ni Catapang para mailipat ang mga inmate mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa National Bureau of Investigation (NBI) ay nagpapakita lamang na nakikipagsabwatan ito kay Remulla.

Inihirit din ng kampo ni Bantag sa Ombudsman na tutukan ang “witch-hunting activities” na umano’y isinasagawa ni Catapang sa BuCor para i-discredit siya dahil sa isyu ng treasure-hunting, ang paghuhukay sa umano’y escape tunnel at ang pagbebenta ng overprice beer sa mga inmates.

Pero una na ring inamin ng suspendidong BuCor chief na pumasok ito sa joint venture agreement sa iba pang entity para sa pagtatayo ng diving pool sa NBP matapos madiskubre ang excavation site.

Kabilang pa sa mga respondents sa reklamo ay ang mga inmates na sina German Agojo na sinasabing nakatanggap sa order ni Remulla na maghanap ng taong papatay kay Lapid.

Kasamarin dito sina Alfie Penaredondo, Aldrin Galicia, Mario Alvarez at Alvin Labra.