Binuweltahan ngayon ni Justice Sec. Jesus Boying Remulla ang International Criminal Court (ICC) sa muling hirit ng mga itong imbestigahan ang drug war sa bansa noong nakaraang administrasyon.
Ayon kay Sec. Remulla, nanindigan itong walang hurisdiksiyon ang ICC sa judicial system ng Pilipinas kayat hindi sila puwedeng manghimasok nang basta-basta.
Kasunod na rin ito ng panawagan ni ICC Prosecutor Karim Khan na muling ipagpatuloy ang war on drugs investigaton ng Duterte administration.
Hindi raw nakikita ni Remulla kung anong klaseng raket ito dahil sa ngayon ay hindi naman na umano miyembro ng ICC.
Umaasa naman si Remulla na walang kinalaman dito ang political opposition dahil ito raw ay sovereign matter na kailangang desisyunan bilang isang bansa.
Una rito, sa 21 pahinang submission sa ICC Pre-Trial Chamber (PTC), hinimok ng chamber ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa sitwasyon sa bansa.
Sa 62-page filing ng gobyerno na may petsang Setyembre 8, iginiit ng ating pamahalaan na walang hurisdiksiyon ang ICC na magsagawa ng imbestigasyon sa Pilipinas dahil hindi pa naman ganon kalala ang mga sinasabing patayan para umaksiyon pa rito ang international court.
Ang Philippine submission, ay pirmado ni Solicitor General Menardo Guevarra at limang assistant solicitors general.