Buong pagmamalaking ipinakita ni Filipino-American NBA star Jordan Clarkson ang kanyang dugong Pilipino sa ginanap na championship parade ng New York Knicks sa Manhattan matapos masungkit ng koponan ang kanilang unang kampeonato sa loob ng 53 taon.
Sa mga kumalat na larawan at video mula sa pagdiriwang, makikitang nakasuot at nakabalot si Clarkson ng watawat ng Pilipinas habang kasama ang kanyang mga kakampi sa parada na dinaluhan ng libu-libong tagahanga.
Nagsimula ang parada sa Bowling Green at nagtapos sa City Hall, na dumaan sa “Canyon of Heroes.”
Bilang bahagi ng tradisyunal na ticker-tape parade, binuhusan ang koponan ng mahigit 2,500 libra ng recycled confetti.
Naging makasaysayan din ang kampeonato para kay Clarkson, na kinilalang kauna-unahang Filipino-American player na nagwagi ng NBA championship matapos talunin ng Knicks ang San Antonio Spurs sa limang laro ng NBA Finals.
Kasama rin sa finals series ang kapwa Filipino-American na si Dylan Harper, na naglaro para sa Spurs.
Matatandaang kinatawan na rin ni Clarkson ang Pilipinas sa international competition bilang bahagi ng Gilas Pilipinas, kabilang ang kanyang paglahok sa 2018 Asian Games at sa 2023 FIBA World Cup.
















