Reading Time: 1 minute

Nanindigan si Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison na hindi raw ito mapupuwersa na mapabalik sa Pilipinas.

Kaugnay na rin ito ng arrest order na inilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 32 ukol sa “Inopacan massacre” sa Leyte noong 1985.

Sa isang pahayag, sinabi ni Sison na mistulang hindi raw naiintindihan ni Interior Sec. Eduardo Ano ang “political refugee” status sa The Netherlands.

Paliwanag pa ni Sison, pinoprotektahan siya ng Geneva Refugee Convention at ng European Convention on Human Rights.

“As a recognized [political refugee] I am well protected by the Geneva Refugee Convention and by the European Convention on Human Rights whose Article 3 gave me absolute protection from being put at any risk of being subjected to torture and other inhumane and cruel treatment,” ani Sison.

Umalma rin ito sa pahayag na may kinalaman daw ito sa Inopacan massacre dahil nakapiit na raw siya nang mangyari ang insidente.

Una nang sinabi ni Ano na nakipag-ugnayan na raw siya sa European Union para mapawalang bisa ang refugee status ni Sison sa Netherlands at mapabalik ito sa Pilipinas para sumailalim sa paglilitis.