-- Advertisements --

Ipinagkibit balikat lamang nina Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison at ng kanyang asawa na si Julieta ang pagkakasama ng kanilang pangalan sa listahan na inilabas ng Anti-Terrorism Council (ATC) bilang mga terorista kasama ang 17 iba pang opisyal ng CPP.

Sa isang statement, tinawag ni Sison na “arbitrary” at “dubious” ang Resolution Number 17 na inilabas nina National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. ang concurrent vice chairman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ng ATC.

Bukod dito, sinabi ni Sison na “contradictory” o “inconsistent” sa mga nakalipas na public at personal statements ng aniya’y mga “evil minions” ng NTF-ELCAC.

Ang naturang listahan ay naglalaman lamang din aniya ng mga kilala nang publiko na political consultants ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Negotiating Panel sa peace negotiations sa pamahalaan na pawang entitled sa proteksyon sa ilalim ng GRP-NDFP Joint Agreement of Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at iba pang binding bilateral agreements.

Sa ilalim ng Resolution Number 17 ng ATC, inaatasan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang assets ng 19 na binansagang terorista.

Pero ayon kay Sison, iligal at paglabag sa kanyang “basic rights” ang executive o administrative act na ito laban sa kanila.

Ang argumentong ito ang iginiit din kasi ng European Court of Justice na noong hilingin niya dati pa ang pagkakatanggal ng kanyang pangalan sa listahan ng mga terorista ng European Union.

Patutasada pa ni Sison, hindi naiintindihan aniya ng Duterte administration, ng ATC, at NTF-ELCAC ang kasong ito at pati rin ang principles at processes ng batas na nilalabag ng mga ito.