Ipinahayag ng aktor na si John Arcilla ang kanyang suporta sa pinsan niyang si Ricky Quezon Avanceña, na kamakailan ay umani ng atensyon matapos batikusin ang pelikulang “Quezon.”
Si Ricky, apo ni dating Pangulong Manuel L. Quezon, ay naglabas ng hinanakit sa mga gumawa ng pelikula sa isang Q&A session at sa social media, sinasabing dapat ipagtanggol ng mga tagasunod ni Quezon ang imahe ng dating pangulo.
Ayon kay Arcilla na gumanap bilang Heneral Antonio Luna sa pelikulang “Heneral Luna”—dapat ay nakipagkonsulta muna aniya ang produksyon sa pamilya Quezon bago gawin ang pelikula.
Aniya, “Hindi namin sila masisisi, pero nararapat lang na tanungin o pakinggan ang mga direktang kaanak, lalo’t buhay pa ang ilan sa amin.”
Dagdag pa ni Arcilla, bagama’t may kalayaan ang mga artista at direktor, may karapatan din ang pamilya na magpahayag ng saloobin o humingi ng paglilinaw.
Nagbigay rin siya ng puna sa pelikula, na aniya ay masyadong direkta at mapangaral sa paglalarawan kay Quezon.
Samantala, iginiit ng TBA Studios, ang producer ng “Quezon,” na ang pelikula ay batay sa mga beripikadong tala sa history, kabilang ang sariling talambuhay ng dating pangulo.












