-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Puntirya ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2 ang 40 employers na makikibahagi sa isasagawang Job Fair sa araw ng paggawa o Labor Day sa unang araw ng Mayo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Chester Trinidad, tagapagsalita ng DOLE Region 2 na sa araw ng paggawa ay isasagawa ang Job Fair at mayroon nang 790 na job openings na available para sa mga naghahanap ng trabaho.

Tumatanggap pa rin sila ng mga job openings na ipapasa ng mga employers na sasali sa Job Fair.

Mayroon ng 18 employers ang kumpirmadong sasali sa Job Fair at puntirya nila ang 40 employers na makikibahagi.

Mga local employment ang iniaalok ngayon sa iba’t ibang larangan tulad sa medical field na nag-aalok ng trabaho para sa mga radiologist at nurses habang may mga nag-aalok ng trabaho sa supermarkets, grocery stores at convenient stores.

Ayon kay Trinidad, 100 ang na-hire on the spot noong nakaraang taon at balak nilang lampasan ito ngayong taon.

Kasama rin sa aktibidad ang pagkakaroon ng awarding ng government assistance sa mga benepisaryo ng livelihood ng DOLE.