Kinilala sina Jericho Rosales at Maris Racal bilang pinakamahuhusay na artista sa ika-9 na Entertainment Editors’ Choice Awards (The Eddys) na ginanap noong Linggo ng gabi, Hulyo 5, sa Pasay City.
Sa ginanap na awards night kinilala si Jericho bilang Best Actor para sa pelikulang “Quezon,” habang si Maris naman ang Best Actress para sa pelikulang “Sunshine.”
Sa kanyang acceptance speech, emosyonal si Jericho habang binanggit ang kanyang ina na may Alzheimer’s, pati na ang kanyang pamilya at girlfriend na si Janine Gutierrez.
Samantala, si Maris naman ay nagbigay ng mensahe ng pag-asa sa mga dumaraan sa mabibigat na pagsubok sa buhay, at hinikayat ang lahat na bumangon at huwag mawalan ng tiwala sa sarili.
“Sa lahat ng mga nadapa, bangon lang. Kung maingay man, drown out the noise and remember who you are,” ani Racal na emosyonal din sa entablado.
Matatandaang nasangkot ang aktres sa kontrobersiya noong 2024 kaugnay ng nakaraang relationship nito sa aktor na si Anthony Jennings.
Iba pang nagwagi sa The Eddys
Kinilala rin ang pelikulang “Quezon” bilang Best Picture, habang si Jerrold Tarog ang tinanghal na Best Director.
Kabilang sa iba pang pangunahing nagwagi:
- Best Supporting Actor: Rico Blanco (Manila’s Finest) at Will Ashley (Bar Boys: After School)
- Best Supporting Actress: Rochelle Pangilinan (Child No. 82)
- Best Screenplay: Jerrold Tarog at Rody Vera (Quezon)
- Best Cinematography: Moises M.M. Zee (Salvageland)
- Best Editing: Benjamin Gonzales Tolentino (Sunshine)
- Best Sound: Roy Santos at Neil Diokno (Manila’s Finest)
- Best Visual Effects: Santelmo Studio team (Shake, Rattle & Roll: Evil Origins)
- Best Musical Score: Frederik Sandoval at Emerzon Texon (Manila’s Finest)
- Best Theme Song: “Sandalan” (Manila’s Finest)
Ang The Eddys, na inorganisa ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), ay taunang parangal na kumikilala sa natatanging kontribusyon sa industriya ng pelikulang Pilipino.
















