Naging isang hindi malilimutang karanasan para sa aktor na si Jericho Rosales ang pagdalo niya sa premiere ng bagong pelikula ni Christopher Nolan na “The Odyssey” sa Mumbai, India.
Nagkaroon ng “fanboy moment” ang aktor matapos niyang makilala nang personal ang ilang malalaking pangalan sa Hollywood sa premiere ng pelikula.
Ibinahagi ni Jericho sa Instagram ang mga larawan at video mula sa star-studded event, kung saan makikita siyang nasa red carpet kasama ang mga bida ng pelikula na sina Tom Holland at Matt Damon, pati ang award-winning director na si Christopher Nolan.
Isa sa mga highlight ng kanyang karanasan ang pagkakataong mapirmahan ni Damon ang isang autograph para sa kanya.
Sa kanyang video, ibinahagi ni Jericho ang kanyang paghanga sa pelikula at kay Nolan, na kilala sa paggawa ng mga malalaking pelikula.
Ayon sa aktor, maganda ang kinahinatnan ng pelikula dahil nararamdaman umano ng manonood na kasama siya sa mismong kuwento.
Ipinakita rin ni Jericho ang special souvenir na ibinigay sa mga dumalo sa premiere—isang lalagyan ng popcorn na ginawang parang IMAX camera.
Nagbiro rin ang aktor na nais niyang makatrabaho balang araw si Nolan at handa pa raw siyang mag-audition kahit para sa maliliit na role sa pelikula nito.
Pinuri rin ni Jericho ang pagganap ni Matt Damon, na aniya ay napakahusay at naging dahilan pa para siya ay maiyak habang nanonood.
Ang “The Odyssey” ay batay sa sinaunang epikong Griyego ni Homer tungkol sa journey ni King Odysseus habang sinusubukan niyang makauwi sa Ithaca matapos ang Trojan War.
Bukod kina Holland at Damon, kasama rin sa pelikula sina Anne Hathaway, Zendaya, Lupita Nyong’o, Robert Pattinson, Charlize Theron, at Jon Bernthal.














