Idineklara ng Japan ang kanilang pangako na susuportahan ang Pilipinas sa pagkamit ng mataas na middle-income status sa susunod na ilang mga taon.
Kung matatandaan, isang joint committee meeting ang ginanap sa Tokyo sa pagitan ng delegasyon ng Pilipinas at ng gobyerno ng Japan upang matukoy ang kinakailangang tulong sa pagpapaunlad para sa Pilipinas.
Sinabi ni Finance Secretary Benjamin E. Diokno na ang Japanese financial support ay tutulong sa bansa na makamit ang layunin nitong matamo ang upper-middle-income status sa 2025.
Hawak ng Japan ang posisyon bilang pinakamalaking provider ng loan at grant commitments sa Pilipinas, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang $12.92 billion o 40.5 percent ng kabuuang official development assistance (ODA) portfolio nito.
Ang mga pautang at gawad na ito ay inilaan para sa iba’t ibang proyekto sa imprastraktura, disaster risk mitigation, food security, edukasyon, kalusugan, maritime safety, kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao, at paglikha ng trabaho, bukod sa iba pa.
Ang Japan ay isa ring pangunahing kasosyo sa kalakalan, pamumuhunan, at pag-unlad ng ating bansa.
Ayon kay Diokno, nagpapasalamat ang Ph sa pangako ni Prime Minister Kishida na suportahan ang paghahangad ng Pilipinas sa upper-middle-income status sa pamamagitan ng mga epekto ng official development assistance at pamumuhunan sa pribadong sektor.
Ang Pilipinas kasi ay kasalukuyang nasa lower middle-income country na may gross national income (GNI) per capita na $3,950 o humigit-kumulang P224,125 noong 2022.